ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Balak ngayon ng pamahalaang lokal ng Aklan na mangutang ng halos kalahating bilyong piso sa banko para pondohan ang iba-ibang proyektong pang-imprastraktura at para ibili ng mga heavy equipments ng gobyerno.
Lunes ng hapon ay sumailalim na sa committee meeting ang kahilingan ni Gov. Florencio Miraflores sa ng Sangguniang Panlalawigan na magsagawa ng resolusyon kaugnay rito.
Ayon sa kahilingang ito, aabot ng Php445 milyon ang posibleng utangin ng pamahalaan mula sa Land Bank.
Kabilang sa popondohan ay ang pagsasaayos ng Aklan Training Center (30M) at Provincial Engineer’s Office (20M) at ABL sports complex (25M). Kasama rin dito ang konstruksyon ng Paseo De Aklan (10M), ekspansyon ng Provincial Assessor’s Office (8M) at ang pagbili ng mga heavy equipment (30M).
Pinakamalaki sa planong uutangin ay para sa improvement ng Caticlan Jetty Port na may Php300 milyon.
Samantala, kinuwestiyon naman ng mga miyembro ng Sanggunian ang planong konstruksyon ng Dep-Ed Division Office and Multi-Purpose building (phase 2) kung saan may hinihinging pondo na Php25 milyon. Iginiit ng ilang lokal na mambabatas na dapat sa pamahalaang nasyonal hingin ng mga opisyal ng Dep-Ed ang pondo para dito.
Dadaan pa sa mabusising pag-aaral at pagdinig ang panukalang ito.
No comments:
Post a Comment