ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Precious Day Yecla |
Wagi ang apat na Aklanon sa National Open Chess Championship at National Age Group Championship Visayas Qualifying Leg na isinagawa sa isang bar garden at mall sa Kalibo Enero 18 hanggang 21.
Sa under 20 age category nakuha ni Mira Mirano ng Kalibo ang 1st place at nakapag-uwi ng Php2,000 cash prize.
Sa under 12 girl naman, nakuha ni Precious Yecla Day ng Kalibo ang 1st place at pera na Php1,500.
Sa under 8 girl, ang tanging babaeng nakakuha ng puwesto ay si Kristine Pamintuan ng Brgy. Estancia, Kalibo na nag-uwi rin ng Php1,500.
Samantala, sa Open Chess Tournament naman, nakuha ni Kevin Mirano ang unang puwesto at nakapag-uwi ng Php10,000 cash prize.
Nakuha rin ng kanyang kapatid na si Jan Francis Mirano ang pangsiyam na posisyon at Php700 sa parehong kategorya.
Maliban sa cash prize na nakuha ng mga nanalo ay ginawaran din sila ng tropeo at medalya. Sila ay nakatakdang sumabak sa national competition.
Ayon kay Fred Neri, Aklan provincial sports development officer III, nilahukan ang age-group category ng 66 kalahok mula sa Visayas at maging sa ibang bahagi ng bansa. Ang open category naman ay nilahukan naman ng 20 atleta.
Sinabi ni Neri na ang magkakapatid na Mirano at si Yicla ay maituturing na ‘Aklanon chess wizard’.
Ang kompetisyong ito ay inorganisa ng Philippine Sports Commision, National Chess Federation of the Philippines (NCFP) at ng Peter I. Kimpo Memorial Chess Tournament sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Aklan.
No comments:
Post a Comment