ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Nangako ang mga nag-aalitang mga fraternity at gangs sa Brgy.
Poblacion, Kalibo na titigil na sa kanilang mga alitan at paggawa ng mga iligal
na aktibidad.
Ito ay makaraang naglagda ang mga grupong ito ng peace
covenant noong araw ng Sabado sa presensiya ni mayor William Lachica, at ni
Kalibo PNP Chief Inspector Terence Paul Sta. Ana, ilan pang mga opisyal ng
bayan at barangay at kapulisan.
Ayon kay Sta. Ana, ang paraang ito ay naglalayong
mapagkasundo ang mga nag-aalitang grupo, magkaroon ng maayos na samahan at
mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa komunidad.
Nakasaad sa peace covenant na kanilang nilagdaan ang
pagtigil sa paggawa ng mga frat wars, paghinto sa mga iligal na aktibidad at
paggawa ng mga petty crimes.
Nangako naman ang pulisya na patuloy silang magbibigay ng
edukasyon sa mga kabataang sangkot at magsasagawa ng mga programa na
makakatulong sa kanilang mapaunlad at mapabuti ang kanilang mga sarili.
Pagkatapos ng nasabing covenant signing, ang mga frat at gang
members at mga opisyal ay nagkaroon ng isang boodle fight sagisag ng pagkakaisa
at paggalang.
No comments:
Post a Comment