ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Patay ang isang magsasaka matapos makuryente sa Brgy. Arcanghel, Balete kahapon ng hapon. Nakuryente rin ang kanyang asawang babae makaraang subukan siyang hilahin sa pagkakadikit sa live wire.
Ayon kay PO2 Jameo Mondia, imbestigador ng Balete PNP station, nakatanggap sila ng tawag mula sa lineman ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) na kasalukuyang nag-aayos ng linya sa naturang lugar na nagbigay-alam sa kanila hinggil sa nasabing insidente.
Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-4:00 ng hapon nang pumutol ng puno ng saging ang biktimang si Rafael Lumio, 71 anyos at residente ng nasabing lugar, sa kanilang bakuran. Natumba ang puno sa live wire ng AKELCO at sa kanyang pag-lilinis sa lugar ay aksidente siyang nakuryente.
Naabutan na lamang siya ng kanyang asawang si Marissa, 54, na nakahiga na sa lugar. Sinubukan pang hilahin ng babae ang asawa gayunman ay nakuryente rin siya at halos kalahating oras umano bago nakabitaw sa pagkakadikit.
Agad na humingi ng tulong ang asawang babae sa mga kapitbahay upang maalis ang kanyang asawa at bagaman naisugod pa ito sa provincial hospital ay diniklara rin itong dead on arrival.
No comments:
Post a Comment