Friday, June 08, 2018

AKLANON OFW PINARANGALAN BILANG “BAGONG BAYANI”

Isang Aklanon welder at glass aluminum technician sa Kuwait ang pinarangalan bilang “2018 Bagong Bayani” sa larangan ng community and social service sa labas ng bansa.

Siya si Dennis Nama Rata ng Libacao, Aklan, empleyado ng Design World Center Metal sa nabanggit na bansa.

Isa siya sa 12 lamang na mga Overseas Filipino Workers ang tumanggap ng nasabing parangal dahil sa kanyang “outstanding accomplishment, exemplary deeds and services”. Ginanap ang pagpaparangal Huwebes sa Philippine International Convention Center.

Inilarawan ng Bagong Bayani Foundation Inc. si Rata bilang “cooperative, honest, result-oriented and responsible” sa kanyang mga kasamahang OFW at trabaho sa loob ng apat na taon.

Si Rata ang naging daan sa layunin ng gobyerno na ma-irescue ang 30 household service workers sa Kuwait na may iba-ibang reklamo sa kanilang mga amo kagaya ng pagmamaltrato, hindi naswelduhan, detention, overwork, pangmomolestiya, pagkakasakit, at paglipat sa bagong employer.

Dahil sa kanyang malapit na ugnayan sa Embahada ng Pilipinas binigyan siya ng pagkilala sa kanyang mga naging kontribusyon bilang isang kilalang community leader ng mga OFWs doon.

Ipinaaabot ni Rata ang kanyang pasasalamat sa lahat ng mga Aklanon na sumuporta sa kanya at sa mga kasamahan niyang OFW. Iniaalay niya ang karangalang ito sa buong Aklanon. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

No comments:

Post a Comment