Tuesday, June 05, 2018

'POOR WATER SUPPLY' NG MKWD SA BAYAN NG BALETE IIMBESTIGAHAN NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Nakatakdang imbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang reklamong nakarating sa kanila kaugnay ng "poor water supply" ng Metro Kalibo Water District (MKWD) sa bayan ng Balete.

Isinaad ito sa petisyon ng 160 bagong elected officials ng mga barangay sa nasabing bayan laban sa MKWD.

Anila mahina ang suplay ng tubig sa kanilang lugar lalu na sa mga kritikal na
oras gaya ng tanghalian at hapunan. Minsan pa anila ay malabo ang tubig na lumalabas sa kanilang gripo.

Nagsimula umano ito nang magprotesta ang ilang municipal officials sa proyekto ng MKWD sa kanilang lugar dahil sa kawalan umano ng konsultasyon at pagbayad sa road-right-of-way.

Reklamo pa nila, ilang residente umano ang tinanggihan ng water provider na ito na makakonekta para masuplayan ng tubig. Rason umano ng public utility ay dahil sa umiiral na kaso sa pagitan ng pamahalaang lokal at ng MKWD. Pero ayon sa grupo ang kasong ito ay na-dismiss na.

Lumalabas anya na simula ng maupo si Edmund Peralta bilang chairman of the board ng MKWD, tila naging pribado na ang MKWD.

Oktubre rin umano ng nakaraang taon ay inalis umano ng MKWD ang kanilang paying office sa munisipyo bagaman gumagamit ito ng pasilidad ng libre.

Isa umanong panghaharas ang ginagawa ng MKWD. Kaugnay rito, hiniling ng grupo kay Gov. Joeben Miraflores na bigyan ng kaukulang atensyon ang reklamong ito bilang appointing authority ng MKWD.

Bagaman ang kaso ay nakaadres sa gobernador, nais ng Sanggunian na imbestigahan ang reklamo dahil ito umano ay para sa interes ng publiko./ Darwin Tapayan, EFM Kalibo

No comments:

Post a Comment