Thursday, October 27, 2016

Populasyon ng Aklan tumaas; bilang aabot sa mahigit 574K--- PSA

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Umabot na sa 574, 823 ang kabuuang bilang ng populasyon sa lalawigan ng Aklan ayon sa pinakuhuling resulta ng 2015 census na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA). Mas mataas ito ng 39, 098 kumpara sa bilang ng populasyon noong 2010 na aabot lamang sa 535, 725.

Ayon sa PSA, ang Aklan ang pinakamabilis lumago sa buong rehiyon na may taunang average population rate na 1.35 percent mula 2010 hanggang 2015.

Sa report, ang Kalibo ang may pinakamataas na bilang ng populasyon (80, 605), sinundan ng Malay (52, 973) at ng Ibajay (49, 564).

Samantala, ang mga bayan naman ng mga Altavas, Malinao, Tangalan, Buruanga, Madalag, at Lezo ay may mga populasyong mas mababa sa 27, 000.

Sa lahat ng mga barangay sa lalawigan, nangunguna ang Manoc-manoc sa Malay na may populasyong aabot sa 14, 810. Sinundan ito ng Andagao, Kalibo (12, 703), Balabag, Malay (12, 296), Poblacion at New Buswang, Kalibo (11, 751 at 10, 431 sa pagkakasunod).

Ang mga barangay naman na may mababang bilang ng populasyon ay ang mga Capataga, Malinao (40), Tamokoe, Tangalan (154), Malinfdog, Ibajay (198), Napatag, Tangalan (224), at Cabugao, Ibajay (225).

Samantala, sa buong rehiyon, ang Iloilo ang may pinakamalaking populasyon sa bilang na 1.94 milyon. Sinundan ito ng Capiz sa bilang na mahigit 761, 000; Antique na may 582, 000 bilang; pang-apat ang Aklan; samantalang ang Guimaras ay nasa huli sa bilang na 175, 000.

No comments:

Post a Comment