Thursday, October 27, 2016

Mga telcos sa Kalkibo na may mga "spaghetti wires", posibleng alisan ng permit

NI DARWIN T. TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Posibleng alisan ng business permit ang mga telecommunication companies sa bayan ng Kalibo kapag hindi maayos ang kanilang pag-i-install ng mga kuryente at kable. Ito ang nakikitang solusyon ni Vice Mayor Madeline Regalado para istriktong maimplementa ang ordinansa na nagtatakda sa mga telcos na ayusin ang mga kable at kuryente nila.

May kaugnayan ito sa resolusyon na iniakda ni Kalibo SB Member Philip Kimpo na humihiling sa Alkalde para sa istriktong implementasyon ng Ordinance 2011-016.

Ani Kimpo, ito ay nagdudulot ng negatibong epekto sa turismo, panganib sa taumbayan, at nakakaapekto rin umano ito minsan sa daloy ng trapiko.

Dagdag pa ni SB Kimpo, matagal na umano itong suliranin at nais niya na bago magtapos ang termino ng alkade at bise alkade ay masolusyunan ito kaagad.

Sang-ayon naman rito ang mga miyembro ng konseho na gawing sapilitan ang pagsasaayos ng mga ito. Nakatakdang ipatawag ang mga kinauukulan kabilang na ang alkalde, at engineering ng munisipyo para sa pagtugon sa suliraning ito.

Samantala, magbibigay naman ng panahon ang lokal na pamahalaan para sa mga telcos na ayusin ang kanilang mga linya.

No comments:

Post a Comment