Photo: (c) http://www.waymarking.com/
Pormal nang nagpaabot ng sulat kay Aklan Gov. Florencio Miraflores ang mga kamag-anak ng siyam na buwang gulang na sanggol na namatay habang nasa pangangalaga ng Don Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital (DRSTMH) nitong nakaraang Setyembre upang humingi ng tulong.
Nakasaad sa sulat na ipinadala ni John Christian Lee Salonzo, tiyuhin ng batang namatay, ang hindi magandang karanasan nila mula nang isugod nila sa ospital ang bata hanggang sa bawian ito ng buhay.
Mababasa din dito ang hindi magandang pagtrato, asal, at pagpapabaya sa kanila ng mga medical attendants, kakulangan sa mga supplies ng ospital, at ang kawalan ng doktor na dapat ay umaasikaso sa kanilang pasyente nang mga oras na iyon.
Nagbigay naman ng tugon ang opisina ng gobernador at ini-atas kay Dr. Paul Macahilas, Chief of Hospital ng DRSTMH, na magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa nasabing insidente.
Sinabi din ng gobernador na dapat na may managot sakaling mapatunayan ang mga alegasyong matagal na naghihintay ang mga pasyente bago mabigyan ng medikal na atensyon, pati na rin ang hindi magandang asal ng mga nars na matagal na umanong nangyayari sa nasabing pampublikong ospital.
No comments:
Post a Comment