Simula sa susunod na linggo ay strikto nang ipapatupad ng kapulisan ang ordenansa na nagreregulate sa mga internet café at mga video games center sa Kalibo.
Ito ang naging babala ni PSupt. Richard Mepania, hepe ng Kalibo PNP, sa mga may-ari at mga namamahala ng mga computer shop sa isang pagpupulong araw ng Byernes.
Kasunod ito nang mga nahuli nilang mga computers shop na nagpapasok ng mga menor de edad sa kanilang establisyemento dis oras ng gabi.
Binigyang-diin ni Supt. Mepania sa mga negosyanteng ito na huwag papasukin ang mga menor de edad kabilang na ang mga estudyante sa kanilang mga shop sa itinakdang oras ng curfew.
Maliban rito pinahihigpitan narin ni Mepania ang pagbabawal sa mga menor na mga estudyante na pumasok sa mga shop nila sa mga oras ng klase katulad ng nakasaad sa municipal ordinance 2012-025.
Nakasaad sa Code of General Ordinance ng Kalibo na bawal na manatili ang mga estudyante sa mga internet shops 7:30am-11:30am at 1:30pm-4:30pm maliban lamang kapag walang pasok at tuwing weekend.
Sinumang lalabag sa ordenansang ito ay pagmumultahin ng hanggang sa Php2500 o revocation, maging non-renewal of license. Sa Code of General Ordinance naman aabot rin sa Php2500 ang pwedeng multa o pagkakulong ng dalawang linggo.
Ilang negosyante naman ang nag-aalala na malulugi sila sa kanilang negosyo at posibleng maghanap nalang ng ibang pagkakakitaan dahil marami sa mga kostumer nila ay mga menor at mga estudyante.
Pinaintindi naman ng hepe ng Kalibo PNP na matimbang sa kanila ang kaligtasan at kinabukasan ng mga menor. Sa kabila nito humingi siya ng pag-unawa at kooperasyon sa lahat. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo
No comments:
Post a Comment