Saturday, March 03, 2018

DENR AT PAMAHALAANG LOKAL NG MALAY NAGISA SA SENADO DAHIL SA MGA ENVIRONMENTAL ISSUE NA KINAKAHARAP NG BORACAY

BORACAY, AKLAN - Ginisa sa pagdinig ng senado ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources at ang pamahalaang lokal dahil sa mga environmental issue na kinakaharap ng Boracay.

Kinuwestiyon ng mga senador ang ulat ni DENR Sec. Roy Cimatu na mula siyam ay apat nalang ang natitirang wetland sa isla.

Iginiit ni senadora Loren Legarda sa mga opisyal ng kagawaran kung anong mga malalaking establisyemento ang naitayo sa mga wetland maliban sa mga maliliit na bahay at kung paano nakalusot ang mga ito.

"Hindi ito mangyayari kung hindi binigyan ng suporta o kapabayaan ng DENR... Paano makakarating ang plywood at pako kung 'di pinayagan ng lokal na pamahalaan?" ani Legarda.

Depensa ni DENR 6 regional director Jim Sampulna, isa sa mga dahilan ang pag-alis ng CENRO sa isla noong 2013 dahil sa rationalization at dahil narin sa wala umanong Environmental Management Bureau na nakabase dito.

Sinabi rin niya na noon ay sinubukan na niyang panagutin ang mga lumabag gayunman ay sadyang matitigas umano ang kanilang mga ulo at ang iba ay may apela na sa korte. Aminado siya na may kakulangan rin sa kanilang parte.

Isinisisi naman ng taga-DENR ang problemang ito sa LGU sa pagbibigay ng permit. Kung ang LGU naman ang tatanungin, isinisisi naman nila ito sa DENR.

Ilan sa pinangalanan ng taga-DENR na malalaking establisyemento na nakatirik ngayon sa wetland ay ang Seven Seas sa Brgy. Yapak na kasalukuyan pang itinatayo, bahagi ng D’Mall sa Brgy. Balabag, at King Fisher’s Farm. Ang buong listahan ay isusumite palang ng kagawaran sa senado.

Nabanggit rin ni dating gobernador at ngayon ay Congressman ng Aklan Carlito Marquez na ang Crown Regency sa Balabag ay nakatirik sa wetland pero legal na umano ito nang manalo sa korte ang kaso laban sa DENR dahil sa teknekalidad.

Kaugnay rito, ipapasumite rin ng senado ang mga listahan ng dating mga opisyal ng DENR, ng pamahalaang lokal ng Malay, at ng mga punong barangay sa isla para sa imbestigasyon. - Darwin Tapayan, EFM Kalibo

No comments:

Post a Comment