Wednesday, February 28, 2018

NASA 2,000 HINDI DOKUMENTADONG DAYUHAN SA AKLAN IIMBESTIGAHAN NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Nakatakdang imbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ang mga hindi dokumetadong dayuhan na nasa probinsiya ng Aklan lalu na sa isla ng Boracay.

Sa regular session ng Sanggunian, sinabi ni SP member Nemisio Neron na base sa kanyang impormasyon ay tinatayang 2,000 mga dayuhan ang iligal na naninirahan sa probinsiya.

Naniniwala ang opisyal na nakakabahala ang bilang na ito kapag napatunayan. Ito rin umano ang isa sa mga dahilan ng pagiging over-populated ng Boracay at iba pang suliraning kinakaharap ng isla.

Ayon pa kay Neron, karamihan umano sa mga ito ay mga Chinese at Korean na nagtratrabaho o nagmamay-ari ng mga resort at mga restaurant sa top island destination.

Mahirap din anya na matukoy ang mga dayuhang ito kapag nakagawa sila ng mga paglabag sa isla.  Mahaharap din umano ang mga ito sa paglabag sa immigration act ng bansa.

Naniniwala ang opisyal na napapanahon ang isyung ito dahil narin sa ginagawang paglilinis ng Department of Environment and National Resources sa Boracay kasunod ng atas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang usaping ito ay inirefer na sa mga kaukulang komitiba ng Sanggunian para sa isang pagdinig.

No comments:

Post a Comment