Thursday, April 05, 2018

PAL AT CEBU PAC, NIREBISA ANG BIYAHE PA CATICLAN AT KALIBO MULA ABRIL HANGGANG OKTUBRE

Inanunsyo na ng Philippine Airlines (PAL) at Cebu Pacific Air sa pamamagitan ng kanilang mga social media accounts ang kanselasyon ng kanilang mga biyahe mula sa huling bahagi ng Abril hanggang sa Oktubre.

Ito ay bunsod ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng Department of Tourism (DOT) na isara ang Boracay Island sa loob ng anim na buwan na magsisimula na sa Abril 26.

Sa isang pahayag, sinabi ng PAL na suportado nito ang naging desisyon ng gobyerno na pansamantalang isara ang isla ngunit ipagpapatuloy pa rin ang serbisyo patungong Boracay at lalawigan ng Aklan.

Dahil dito, babawasan ng airline company ang kanilang mga biyahe patungong Caticlan at Kalibo habang paparamihin naman ang flights sa iba pang lalawigan sa nasabing mga petsa upang masiguro ang domestic tourism.

Magkakaroon ang PAL ng siyam na weekly flights sa pagitan ng Maynila at Kalibo habang pito naman sa pagitan ng Maynila at Caticlan.

Ang iba pang biyahe pa Caticlan at Kalibo mula Maynila ay suspendido na epektibo mula April 20 hanggang October 27 habang ang biyahe pa-Caticlan mula Clark at Cebu ay suspendido na rin mula April 26 hanggang October 27.

Simula April 20 ay magdedeploy ng karagdagang flights ang PAL sa pagitan ng Maynila at Cebu, Iloilo, Puerto Princesa at Bacolod.

Nagkansela na rin ang Cebu Pacific ng maraming biyahe pa-Caticlan at Kalibo mula naman April 26 hanggang October 25.

Gayunman, may mga flights pa ring inilaan sa piling mga schedule upang maserbisyuhan ang mga lokal na residente at masiguro pa rin ang estado ng pagnenegosyo sa hilagang bahagi ng lalawigan ng Panay.
Nag-abiso na rin ang dalawang major airlines sa rebooking at refund ng mga pasahero kasunod ng kanselasyon ng mga biyahe./ Radyo INQUIRER

No comments:

Post a Comment