Tuesday, July 25, 2017

CLEARING NG GUBAT SA BORACAY INIIMBESTIGAHAN NG SANGGUNIANG BAYAN NG MALAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

I-imbestigahan ng Sangguniang Bayan ng Malay ang kontrobersyal na clearing ng protected area sa brgy. Yapak sa isla ng Boracay.

Sinabi ni SB member Fromy Bautista sa programang “Prangkahan”, ipapatawag nila ang mga kinauukulan para sa isang pagdinig.

Naniniwala ang lokal na mambabatas na may maimpluwensiyang tao sa likod ng nasabing isyu.

Ayon kay Bautista, nais umano nilang usisain kung may mga kaukulang permit ang developer para gawin ang pagbulldoze dito.

Samantala, ayon kay Rowen Aguirre, executive assistant sa tanggapan ng alkalde, pinahinto na umano nila ang mga susunod pang hakbang ng developer sa nasabing lugar.

Ayon pa kay Aguirre, wala umano siyang natanggap ng mga kaukulang dokumento hinggil sa pagkilos ng developer.

Napag-alaman na ang lugar ay nabili ng isang pribadong kompanya na pagmamay-ari ni Lucio Tan.

Nabatid rin na may kasunduan sa lokal na pamahalaan ng Malay ang kompanya na ang hilagang bahagi ng gubat ay isang no-building zone.

Ang gubat na ito sa may Puka Beach ay pinaninirahan ng mga paniki na ang kanilang uri ay nanganganib nang maubos.

No comments:

Post a Comment