Showing posts with label Tulingon Road. Show all posts
Showing posts with label Tulingon Road. Show all posts

Tuesday, September 11, 2018

TULINGON ROAD SA NABAS BUBUKSAN NA SA LAHAT NG MGA SASAKYAN

BUBUKSAN NA sa lahat ng mga sasakyan ang Tulingon road sa bayan ng Nabas sa darating na Setyembre 15.

Ito ang kinumpirma ni Department of Public Works and Highway - Aklan District Engr. Noel Fuentibilla sa Energy FM Kalibo umaga ng Lunes.

Pero nilinaw niya na kalahating bahagi lamang ng kalsada ang pwedeng daanan.

Binubuhusan pa umano ang kabilang bahagi ng kalsada at nagdadagdag pa ng mga suporta sa ilalim para maging matibay ito.

Posible aniyang matapos nila ang buong rehabilitasyon ng kalsada sa huling araw ng Setyembre.

Matatandaan na nagsimulang gumuho ang bahagi ng kalsada rito makaraan ang paghagupit ng bagyong Urduja sa Aklan Disyembre ng nakaraang taon.

Samantala, sa kasalukuyan ay maaaring makadaan ang mga motorsiklo sa ginagawang kalsada anumang oras ayon sa DPWH.

May mga nag-aantay rin na mga sasakyan sa magkabilang bahagi para sa mga bumibiyahe patungong Caticlan o Kalibo.##

- - Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Thursday, August 16, 2018

BIYAHE NG ILANG BANGKA SA NABAS PINATITIGIL NG COASTGUARD

Kasunod ng pagsara ng bahagi ng national highway sa Tulingon, Nabas ilang bangka na ang sinamantala ang pagbyahe bilang alternatibong paraan ng transportasyon.

Pero sinabi ni Lt. Com. Joe Luvis Mercurio ng Philippine Coastguard - Aklan na for safety reason ay hindi ito pinapayagan maliban nalang kung mayroon na silang special permit mula sa Marina.

Dalawang motorbancas sa araw ng Huwebes ang binigyan nila ng violation report at binalaan na ihinto ang ferrying activities. "They were given stern warning. Same future violations will result to more severe legal actions," giit niya.

"Hopefully po mag cooperate sana sila at maintindihan na we are doing our functions hindi para pahirapan sila kundi for safety and security reasons po," paliwanag ni Mercurio.

"Rest assured na kapag may mga kaukulang dukomento na sila para makapagbyahe ng Nabas area ay magpapadala po kami nang mga tao sa area para i-assist cla at mabigyan ng clearance," dagdag pa niya.

Nabatid na may mga ilang maliliit na bangka ang nagpapasakay ng pasahero mula Gibon hanggang Unidos o vice versa sa bayan ng Nabas kapalit ng umano'y Php30 hanggang Php50 na pamasahe.

Matatandaan na isinara sa lahat ng mga sasakyan ang bahagi ng highway sa Tulingon, Nabas para bigyang-daan ang rehabilitasyon ng gumuhong bahagi ng kalsada.

Kaugnay rito kailangan dumaan pa sa Pandan at Libertad, Antique ang mga bibiyahe patungong Caticlan, Malay o vice versa bagay na malayo at dagdag pamasahe sa mga bumibiyahe.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Monday, August 13, 2018

BAHAGI NG NATIONAL HIGHWAY SA TULINGON, NABAS ISASARA NA SA LAHAT NG BEHIKULO

Isasara na sa lahat ng uri ng sasakyan ang bahagi ng national highway sa Tulingon, Nabas simula Miyerkules, Agosto 15.

Ito ang inanunsiyo ni Department of Public Works and Highway (DPWH) - Aklan District Engr. Noel Fuentibella sa Energy FM Kalibo umaga ngayong Lunes.

Aniya, lubhang mapanganib na sa mga motorista ang dumaan pa sa nasabing lugar dahil sa patuloy na pagguho ng lupa rito.

Ilang materyales ang dinala na umano sa lugar at sa pagsasara ay sisimulan na ang pagtratrabaho upang ayusin ang kalsada.

Kaugnay rito ang lahat ng mga sasakyan na patungong Caticlan ay dito na dadaan sa Pandan, Antique, palabas ng Buruanga patungong Malay at vice versa.

Maging ang mga motorsiklo ay di na rin umano pwedeng dumaan. Pwede umanong makatawid ang mga tao bago mag-alas-8:00 ng umaga, 12:00-1:00 ng tanghali at pagkatapos ng alas-5:00 ng hapon.

Posible aniyang matapos ang rehabilitasyon ng kalsada sa Setyembre. | EFM Kalibo

Friday, August 03, 2018

MGA HEAVY VEHICLE HINDI NA PWEDENG DUMAAN SA BAHAGI NG NATIONAL HIGHWAY SA NABAS AYON SA DPWH

Isasara na simula Lunes sa mga heavy vehicles ang bahaging ito ng national highway sa Brgy. Tulingon, Nabas.

Kasunod ito ng patuloy na pagguho ng lupa sa bahaging ito ng kalsada dahil sa mga pag-ulan sa lugar. Mapapansin na halos kalahati na ng kalsada ang gumuho.

Inanunsiyo ito ni Department of Public Works and Highway (DPWH) - Aklan District Engr. Noel Fuentebella sa Energy FM Kalibo umaga ngayong Byernes.

Kaugnay rito, sa Lunes ay magbabantay na ang kapulisan para abisuhan ang mga heavy vehicle na papuntang Malay na sa Pandan, Antique na sila dadaan palabas ng Buruanga, Aklan. Ito rin ang daraanan pabalik.

Pwede pa rin anyang makadaan ang mga light vehicles sa lugar samantalang pagdating ng Agosto 15 ay posibleng tuluyan nang isasara ang kalsada sa lahat ng mga motorista.

Siyam na milyon ang inilaang badyet ng Kagawaran para sa rehabilitasyon ng naturang kalsada. Humingi naman ng pag-unawa sa mga motorista ang district engineer.

Aniya bagaman magdudulot ito ng inconvenience sa mga motorista, pansamantala lamang anya ito para maayos ang kalsada para sa kaligtasan ng lahat. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo