Wednesday, June 19, 2019

Pag-amyenda sa Traffic Code ng Kalibo isinusulong sa Sangguniang Bayan

 

KALIBO, AKLAN - Isinusulong ngayon sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang pag-amyenda sa kasalukuyang Municipal Ordinance no. 2005-043 o Traffic Code ng Kalibo.

Sa darating na Hunyo 21, ay isang pampublikong pagdinig ang ipatatawag ng Sanggunian para dinggin ang mga panukalang pagbabago sa traffic code na inihain ng binuong Technical Working Group.

Kabilang sa mga ito ay pagbuo ng Transport and Traffic Management Council, Municipal Tricycle / E-trike / Pedicab Franchising Regulatory Board (MTEPFRB) at Tricycle Franchise Technical Secretariat.

Nais ding ipatupad ang Tricycle Night Service Operation, Children Safety on Motorcycles, relokasyon ng terminal ng mga pampasaherong tricycle at ang pagpalit ng mga kasalukuyang tricycles sa e-trike bago mag-2023.

Ipagbabawal rin ang paggamit ng mga mobile phones at mga gadgets habang nagmamaneho gaya ng isinasaad sa Anti-Distracted Driving Act o ng Republic Act 10913.

Ipinanukala rin ang pagpapalakas sa pagbibigay prayoridad sa grant ng mga motorized tricycles-for-hire, pagpapaigting sa speed limits, pagkakaroon ng vehicle towing at clamping at pagtataas ng mga penalidad at mga multa.

Ang nasabing pagdinig ay pangungunahan ng Committee on Transportation. Dadaluhan ito ng mga kinatawan sa sektor ng transportasyon, mga komyuters at iba pa.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment