Wednesday, January 23, 2019

Anomaliya sa konstruksiyon ng Makato Public Market pinaiimbestigahan ng Sangguniang Bayan sa COA


PINAIIMBESTIGAHAN NG Sangguniang Bayan ng Makato sa Commission on Audit ang hindi natapos na konstruksyon ng harapan ng kanilang pamilihang bayan.

Nabatid na naglaan ng Php5,000,000.00 pondo ang pamahalaang lokal ng Makato para sa phase 1 ng rehabilitasyon ng pamilihan. Mula ito sa 20 porsyento ng kanilang development fund.

Nagsimula ang konstruksyon Hunyo 2018 at inasahang matapos sa Oktobre ng parehong taon. Kinontrata nila ang Audric Construction and Supply para sa nasabing proyekto.

Ayon kay Bob Augusto Legaspi, bise alkalde, sapat umano ang pondong inilaan ng pamahalaang lokal para sa naturang proyekto kaya ipinagtataka niya kung bakit hindi parin ito natatapos.

Aniya, mga tauhan pa ng munisipyo ang nagligpit ng mga nakatiwangwang na materyal na ginamit sa konstruksyon matapos aniyang pabayaan ng kontraktor.

Sinabi pa niya na humihingi muli ng panibagong budget si Mayor Abencio Torres sa pamamagitan ng Sanggunian pero hindi umano nila ito inaprubahan.

Nais muna umano nilang paimbestigahan ang nasabing anomaliya sa COA.

Sa kabilang banda, naniniwala si Mayor Abencio Torres na politika ang nasa likod ng pagtanggi ng Sanggunian sa kanyang hiling na dagdag budget para sa kontruksyon ng public market.##

No comments:

Post a Comment