Sa gitna ng kaliwa't kanang rehabilitasyon ngayon sa Boracay, naghihigpit naman ang Bureau of Fire Protection sa mga establishment dito.
Isa lamang ang gusali na ito sa Isla ang sinerbehan nila ng babala kasunod ng paglabag sa Republic Act 9514 o Fire Code of the Philippines.
Ayon kay FSInsp. Lorna Parcillano, hepe ng Malay BFP, 38 mga resort at hotel sa Boracay ang nakita nilang delikado sa sunog.
Nabatid na walang kaukulang fire safety inspection certificate ang mga nasabing gusali. Karamihan anya sa mga ito ang walang fire alarm, sprinkler, at kulang o walang maayos na fire exit.
Kaugnay rito binalaan nila ang mga nasabing establishment na kapag hindi sila sumunod sa Fire Code ay pwede umano silang patawan ng di bababa sa Php50,000 penalidad at pagpapasara.
Sa ngayon, binibigyan umano nila ng 15 araw o higit pang palugit ang mga establishment para macomply ang mga kailangan ayusin o idagdag sa kanilang mga gusali.
Dagdag pa ng municipal fire marshall, magandang oportunidad umano ito sa mga may-ari dahil wala silang mga bisita dahil sa anim na buwang pagsasara sa Boracay.
Ayon kay Parcillano, tinatayang mahigit 4,000 mga establishment ang nag-ooperate sa Boracay kabilang na ang mga stall, tricycle at mga bangka./ Darwin Tapayan, EFM Kalibo
No comments:
Post a Comment