Monday, December 24, 2018

Panibagong petisyon isinampa sa korte para ipawalang-bisa ang takdang pag-utang ng probinsiya sa DBP

ISANG PANIBAGONG petisyon ang isinampa sa Aklan Regional Trial Court para ipawalang bisa ang pag-utang ng gobyerno probinsiyal sa Development Bank of the Philippines.


Ang petisyon na may civil case no. 10999 ay isinampa nina Ramon Legaspi Jr. at Ramy Panagsagan araw ng Biyernes, Disyembre 21.

Inirereklamo nila ang lahat ng miyembro ng Sangguniang Panlalawigan maliban lamang kina Board Member Atty. Noly Sodusta at Atty. Harry Sucgang na kontra sa nasabing loan.

Inirereklamo rin ang regular presiding officer ng Sanggunian na si Vice Gov. Reynaldo Quimpo at si Gov. Florencio Miraflores. Damay rin si Gina Ta-ay, manager ng Development Bank of the Philippines.

Nais ipawalang bisa ng mga petisyoner ang Sangguniang Panlalawigan resolution no. 2018-962 na nagbibigay otoridad kay Gov. Miraflores na pumasok sa kasunduan sa DBP para sa kabuuang loan facility na Php1,053,000,000.00.

Nakasaad sa petisyon na iligal at hindi dumaan sa tamang proseso ang pag-apruba ng naturang loan facility. Tinawag rin nila na “master magicians” sina Board Member Jose Miguel Miraflores, Soviet Dela Cruz at Andoy Gelito.

Anila minagik umano ng mga nabanggit na opisyal ang nasabing halaga sa kanilang committee hearing mula sa orihinal na kahilingan ng gobernador na Php153,000,000 lamang.

Tutol sila sa nasabing loan facility dahil maaari umano itong gamitin sa kurapsyon sa panahon ng eleksyon. Ito ay magiging dagdag pahirap umano sa mga Aklanon.

Matatandaan na una nang nagsampa ng petisyon si dating Board Member Rodson Mayor sa parehong bagay. Nakasalang na sa branch 4 ng Aklan RTC para sa pagdinig ang kanyang petisyon na may civil case no. 10992.

Mababatid na inamyendahan ng Sanggunian ang nasabing resolution at ang loan facility sa DBP na pinagtibay o niritepika nila ay Php1,000,000,000 lamang.##

No comments:

Post a Comment