Energy FM Kalibo photo |
BINISITA NG Energy FM Kalibo sa Bliss Site, Kalibo ang nagviral na tricycle driver na nag-ala Santa Claus at nag-aalok ng libreng sakay para makilala at alamin ang kanyang kuwento.
Masaya niya kaming sinalubong at pinaunlakan ang aming panayam. Nakilala namin siya na si Andrie Diestro, residente ng nasabing lugar at tatay ng tatlo.
Napag-alaman namin na dati pala siyang seaman pero naaksidente sa pinagtratrabahuhan niyang barko kung saan nabaliaan siya ng kanang kamay.
Matapos ang 31 taon bilang seaman hindi na siya muli pang nakabalik sa trabaho dahil sa kanyang kapansanan bagay na ikinatuwa niya para makasama niya ang kaniyang pamilya.
Ito na umano ang pangalawang Pasko na makakasama niya ang kaniyang pamilya matapos hindi na nakabalik bilang seaman. Katunayan tuwing Pasko aniya ay mayroon silang Christmas Paty na magpapamilya kung saan siya nagsa-Santa costume.
Napanaginipan umano niya si Sant Claus madaling araw ng Christmas eve. Ito ang nag-inspire sa kanya na magsuot ng costume na Santa kahit hindi pa umano Christmas Party. Naisip umano niyang magbigay saya sa ibang tao kaya siya namasada na nakacostume at nag-alok ng libreng sakay.
Nagsimula siyang mamasada alas-4:00 palang ng madaling araw hanggang alas-12:00 na ng tanghali. Natutuwa siya na marami siyang napasaya at na-inspire. Katunayan hindi nga umano niya iniisip na ipopost siya sa social media at magviral ito.
First time umano niya itong ginawa. Nagulat nga ang ilang miyembro ng pamilya sa kanyang ginawa pero natutuwa umano sila at ipinagmamalaki siya. Katunayan likas daw talaga kay Kasimanwang Andrie ang mapagbigay. Aniya pa nga "Christmas is giving".
Mensahe niya ngayong pasko na gabayan tayo ng Diyos at magkaroon tayo ng masaganang Bagong Taon. Ipagkatiwala umano natin ang ating buhay sa Diyos.
Mabuhay ka Kasimanwang Andrie.##
No comments:
Post a Comment