Wednesday, October 10, 2018

PAGTSI-TSIMIS SA BAYAN NG BALETE MAY KAUKULANG PENALIDAD NA

MAY KAUKULANG penalidad na ang mga nagtsi-tsimis sa bayan ng Balete kasunod ng ordinansa na inaprubahan ng pamahalaang lokal.

Ayon sa Municipal Ordinance no. 080 series of 2018, ang pagtsi-tsimis ay pagpapakalat ng mga maling kuwento o ulat patungkol sa pribado at personal na bagay sa iba ng walang pahintulot.

Paliwanag ng "Anti-Tsimis Ordinance of Balete" na ang pagtsitsimis ay sumisira sa relasyon ng pamilya at sa kapayapaan ng komunidad.

Pinaliwanag rin sa ordinansa na naging pabigat na sa mga opisyal ng barangay ang mga kasong inihahain sa kanila laban sa miyembro rin ng pamilya o kapitbahay dahil sa tsimis.

Sa probisyon ng ordinansa, ang nagpapakalat ng tsimis o maling balita at impormasyon, tradisyonal man o sa social media ay pagmumultahin ng hindi bababa sa Php2,000 o 24 oras na community service.

Inaatasan naman ng ordinansa ang mga Punong Barangay sa sampung Barangay ng bayan na magsagawa ng kaukulang rules and regulations ng nasabing ordinansa.

Ang mga opisyal ng barangay at ang mga tanod ang itatalagang mga ordinance officers para sa pagpapatupad nito.

Sumailalim na sa pagdinig ng Committee on Laws and Ordinances ng Sangguniang Panlalawigan ang Municipal Ordinance na ito araw ng Lunes at inaprubahan.##

-Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo

No comments:

Post a Comment