Tuesday, September 25, 2018

MAKATO NAMOMOROBLEMA KUNG SAAN ITATAPON ANG KANILANG MGA BASURA

PROBLEMA NGAYON sa Makato kung saan dadalhin ang mga basurang nakokolekta sa kanilang munisipyo at sa pamilihang bayan.

Ipinasara kasi ng Sangguniang Barangay ang Sanitary Landfill sa Cabatanga sa nasabing bayan sa bisa ng isang resolusyon.

Ayon sa konseho ng Cabatanga, ang hakbang na ito ay base rin sa resolusyong ipinasa ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Bob Legaspi.

Isinaad sa kanilang Barangay Resolution 2018-09 na ang sanitary land fill ay isa umanong dump site at iligal ito. Wala umanong proper segragation ng basura.

Iginiit rin sa resolusyon na walang kaukulang Environmental Compliance Certificate ang nasabing land fill.

Agosto 16 nang magpasa ang SB Makato ng Resolution 2018-72 na nagrerekomenda sa alkalde na ipasara ang sanitary landfill dahil sa paglabag sa mga batas.

Hindi inaprubahan ni Mayor Abencio Torres ang resolusyon dahil halos mag-iisang buwan na umano bago natanggap ng kanyang opisina ang kopya ng resolusyon.

Sa kanyang sulat-tugon sa SB sinabi niya ang pangamba sa posibleng pagdami ng basura sa kanilang bayan kasunod ng pagsasarang ito.

Aniya, dapat ay gamitin muna ang nasabing land fill habang naghahap pa ng panibagong lupa para sa mga basura. Idinulog na ng alkalde ang usapin sa Department of Environment and Natural Resources.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment