photo Darwin Tapayan / Energy FM Kalibo |
KALIBO, AKLAN – [updated] Epektibo na simula Enero 27 ngayong taon ang regional wage increase sa Boracay, tatlong buwan pagkatapos ng muling pagbubukas ng Isla.
Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) – Aklan officer-in-charge Carmela Abellar minomonitor na nila ngayon ang mga establisyemento sa Isla para masigurong nasusunod ito.
Mababatid na noon pang Hulyo 12 epektibo ang Wage Order No. RBVI-24 sa buong Western Visayas maliban lamang sa Aklan at sa Isla ng Boracay.
Umapila noon ang mga employer sa Aklan at sa Boracay na ipagpaliban ang implementasyon ng wage order dahil sa pagsasara ng Isla na tumagal ng anim na buwan.
Napagkasunduan noon ng DOLE-6’s Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB-6) na ang regional wage increase sa Aklan ay ipatutupad simula sa buwan ng Nobyembre.
Magiging epektibo naman ang wage order sa Isla tatlong buwan matapos itong isinara sa mga turista para sa malawakang rehabilitasyon. Nagbukas ang Boracay Oktobre 26 noong nakaraang taon.
Batay sa wage order ang mga manggagawa sa rehiyon ay makatatanggap ng arawang sahod mula Php295 hanggang Php365. Ang dating sahuran ay nasa Php271.50 hanggang Php323.50.
Hinikayat naman ni Abellar ang mga manggagawa na iulat sa kanilang tanggapan ang mga lumalabag na employer o kompanya para sa kanilang aksiyon.##
- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment