Wednesday, October 31, 2018

KALIBO PNP NAGBABALA SA POSIBLENG PAG-ATAKE NG MGA AKYAT-BAHAY NGAYONG UNDAS

NAGBABALA NGAYON ang Kalibo PNP sa taumbayan sa posibleng pag-atake ng mga akyat-bahay ngayong undas.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni PO2 Erick De Lemos, theft and robbery investigator, na sasamantalahin ng mga magnanakaw ang okasyong ito kung saan lumalabas ang mga tao sa kani-kanilang bahay.

Paalala niya sa mga aalis ng bahay na ikandadong maigi ang mga pinto, bintana ng bahay upang hindi mapasok ng magnanakaw. Maaari rin anyang iwan sa mapagkakatiwalaang kapitbahay ang iyong bahay para mabantayan.

Dagdag pa niya, alisin din sa mga saksakan ang mga appliances at patayin ang main switch na posibleng simulan ng sunog. Katwiran niya, mainam parin ang manakawan ng ilang beses kesa masunugan.

Maging alerto rin aniya kapag nasa loob ng bahay. Agad alamin ang mga yabag, ingay o tahol ng aso na naririnig sa labas lalo na kapag natutulog na sa gabi.

Samantala, patuloy pang iniimbestigahan ng kapulisan ang insidente ng pagnanakaw o akyat bahay sa isang apartment sa Brgy. Andagao madaling araw ng Miyerkules.

Ayon kay De Lemos, natangay ng magnanakaw mula sa apartment ang dalawang cellphone, isang tablet, ang pera na nagkakahalaga ng Php10,000.

Napag-alaman na nakuha ang mga ito ng magnanakaw dahil nakabukas ang bintana.##

No comments:

Post a Comment