Friday, November 02, 2018

MAYOR AT DATING MAYOR NG MALAY SINAMPAHAN NG KASO DAHIL SA “MISUSE OF FEES”

NAGHAIN NG mga kasong graft at malversation ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa dati at kasalukuyang mga opisyal ng Malay.

Ang kaso na inihain sa Office of the Ombudsman nitong Martes ay kasunod umano ng “misuse” sa milyun-milyong koleksyon sa environmental fees mula sa mga turitang bumibisita sa Boracay mula 2009 hanggang 2017.

Kabilang sa mga kinasuhan ay ang suspendidong alkalde na si Ceciron Cawaling, dating mayor John Yap, dating vice mayor Wilbec Gelito at 18 former at incumbent councilors.

Kasama rin sa kinasuhan ang municipal treasurer na si Dediosa Dioso at 11 town collectors.

Base sa report, sinabi ng NBI-National Capital Region, ang koleksiyon umano ng Malay sa environmental at administration fees (EAF) ay ginamit ng hindi wasto.

Nakita ng NBI mula 2012 hanggang 2017 ang discrepancy na Php30,678,920.73 sa report na isinumite ng dalawang treasury officials.

Umabot naman sa Php84,860,570 ang nakitang discrepancy ng NBI sa report na isinumite ng municipal tourism office sa parehong period.

Una nang ikinatwiran ni Cawaling na ang discrepancy sa koleksiyon ng Php75 na environmental fee sa mga turista ay dahil sa mga exemption kagaya kung ang turista ay bata, senior citizen o Aklanon.

Nagsimula ang imbestigasyon ng NBI kasunod ng pagsasara ng Isla ng Boracay noong Abril.##

No comments:

Post a Comment