PINABULAANAN NI Jetty Port Administrator Niven Maquirang na sa kanila galing ang "No Comelec ID, No Entry" sa Isla ng Boracay.
Ito ang nilinaw niya sa programang Prangkahan sa Energy FM Kalibo umaga ng Martes.
Ayon kay Maquirang ang mga worker ay dadaan sa separadong lane sa jetty port kung saan hahanapan sila ng company ID at terminal pass.
Dapat rin aniya na compliant ang establisyemento na pinagtratrabahuhan ng mga workers na papasok sa Boracay.
Kaya hindi umano totoo na kapag walang Comelec ID ang mga worker sa Isla ay hindi sila makapasok.
Ang mga residente naman ay kinakailangang magpakita ng valid goverment ID, kabilang na ang Comelec, na magpapatunay na sila ay residente sa Isla.
Samantala, sinabi ni Maquirang na pinag-aaralan ngayon ng Inter-Agency Task Force ang pagkakaroon ng access bracelet.
Aniya, layunin ng bracelet na ito na mamonitor ang mga turista sa Isla ng Boracay.##
-Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo
No comments:
Post a Comment