ISANG MAS pinagandang Cagban Jetty Port ang sasalubong sa mga turista sa pagbubukas ng Isla ng Boracay sa darating na Oktobre 26.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) USec. Benny Antiporda, magiging highlight ng Boracay Soft Opening ang ribbon cutting ng bagong mukha ng port.
Sa isang pagkakataon, ipinasilip ni Caticlan-Cagban Jetty Port Administrator Niven Maquirang sa Energy FM Kalibo ang pagpapaganda at pagsasaayos ng nabanggit na port isang linggo bago ang Boracay Opening.
Binawalan muna ni Maquirang ang mga media na kunan ng litrato at video ang jetty port. Nais kasi ng provincial government at ng Boracay Inter-Agency Task Force na maging supresa ito.
Ilan sa mga pagbabago ng port ay ang mas malawak na entrance exit ng mga sasakyan. May mga solar panel narin na ikinabit sa port na siyang magiging source ng kuryente sa buong port.
Pagpasok ng mga turista sa port ay bubungad sa kanila ang malaking pangalang "Boracay" at malaking billboard na nagpapakita ng bagong mukha ng Isla.
Ayon kay Maquirang posibleng gamitin na ang port simula Oktobre 26.##
-Kasimanwang Darwin Tapayan/ Energy Fm 107.7 Kalibo
No comments:
Post a Comment