Monday, September 03, 2018

11-ANYOS NA BATANG BABAE TINANGKANG PAGSAMANTALAHAN NG ISANG TRICYCLE DRIVER

NAGREKLAMO SA kapulisan ng Kalibo ang isang 11-anyos na bata kasama ang kanyang nanay makaraang tangka siyang pagsamantalahan ng isang tricycle driver.

Sa eksklusibong panayam ng Energy FM Kalibo sa ina ng bata, sumakay umano sa nasabing tricycle ang Grade 6 student papauwi sa kanilang bahay mula sa paaralan.

Kalaunan may sumakay rin umano na dalawa pang lalaki sa parehong tricycle at ang mga ito ang unang ibinaba sa plaza gayoong malapit lang naman umano ang kanilang bahay.

Inihinto umano ng driver ang tricycle sa wala gaanong bahay na kalsada at inalok umano niya ng juice ang bata. Habang niyaya na sumunod sa kanya.

Natakot umano ang batang babae lalo pa nang makita niya na may kutsilyo na nakasukbit sa baywang ang tricycle driver. Dali-dali umanong kumaripas ng takbo ang estudyante.

Nang makalayo ay sumakay umano ng panibagong tricycle para makauwi at kinakabahan at umiiyak na nagsumbong sa ina. Sa pagkabahala ng ina ay nagsumbong ito sa kapulisan.

Wala umanong natatandaang plate o body number ng tricycle ang bata. Pero nakamask umano ito. Itim at puti umano ang kulay ng nasabing sasakyan.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang traffic section at Women and Children Protection Desk ng Kalibo PNP hinggil sa nasabing kaso.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment