Isinusulong ngayon ng Sangguniang Bayan ng Kalibo ang pagiging lungsod o city ng kabiserang bayang ito ng Aklan.
Ayon kay SB member Daisy Briones, sa kabila ng kakulangan sa land area at bilang ng populasyon, kwalipikado umano ang Kalibo kung kita ang pag-uusapan.
Base sa inihain niyang resolusyon, ang bayang ito ay kumita ng mahigit Php189 milyon mula sa nakalipas na dalawang taon.
Mas mataas umano ito kesa hinihinging Php100 milyon ng local goverment code. Kaugnay rito naniniwala ang opisyal na mabubuhay ang Kalibo kapag naging lungsod na ito.
Sampung taon na ang nakakalipas nang una ng isinulong ni dating congressman Florencio Miraflores ang House Bill no. 4558 sa layuning ito.
Nabasura ang panukalang batas na ito dahil sa umano'y hindi naabot ng Kalibo ang hinihinging 100-sq. km. land area at 150,000 bilang ng populasyon.
Iginiit ni Briones na dahil sa mabilis na pag-unlad ng bayan, kailangan anyang sabayan ito ng pagpapaigting ng serbisyo na magiging posible lamang kapag naging ciudad na ito.
Sang-ayon naman ang iba pang mga miyembro ng Sanggunian sa kanyang pahayag. Umaasa sila na muling isusulong ito ni Congressman Carlito Marquez sa kongreso.
No comments:
Post a Comment