Umapela ang mga business operators sa Boracay Island sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay ng kanilang listahan ng mga establisyimentong sumusuway umano sa environmental laws and regulations.
Ayon kay Boracay Foundation Inc. Nenette Aguirre-Graf, sana ay tiyakin muna ng DENR na tama at up to date ang nasabing listahan bago nila ito ilabas sa publiko.
Hindi pa aniya nila ito nakikita pero may ilang mga establisyimento na nasa listahan na nakakasunod na sa mga batas, habang ang isa naman ay nagsara na.
Ayon kay DENR spokesperson Usec. Jonas Leones, sa 51 na negosyong pinadalhan nila ng notices of violation for non-compliance or violation of provisions of the Clean Water Act, 14 ang napag-alaman na sumusunod sa batas.
Karamihan sa mga pinuna ay may mga iligal na koneksyon sa drainage system o kaya ay hindi nakakonekta sa sewerage system ng isla.
Tinatarget ng DENR ang mga negosyo na iligal din na nagtatapon ng kanilang sewage water sa drainage system na nakalaan lang para sa tubig mula sa ulan.
Ayon pa kay Graf, bagaman nagdeklara sila ng suporta para sa paghabol sa mga pasaway na establisyimento, iginiit niyang dapat ay ibinatay sa beripikadong impormasyon ang inilalabas na notices of violation ng DENR.
Sa ganitong paraan aniya ay maiiwasan naman ang pagkakasira sa pangalan ng mga establisyimentong sumusunod naman sa kanilang patakaran.
Samantala, tiniyak naman ni Leones na bibigyan nila ng pagkakataong makatugon ang mga establisyimentong kanilang sisitahin, at makasunod o maitama ang kanilang mga ginagawang paglabag bago nila ito isapubliko. - Radyo INQUIRER
No comments:
Post a Comment