Nakatakdang ipatawag ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang pamunuan ng Caticlan Jetty Port kaugnay sa usapin ng paniningil ng environmental at terminal fee.
Kasunod ito ng pahayag ni SP member Lilian Tirol sa sesyon ng Sanggunian araw ng Lunes hinggil sa mga reklamo sa kanya ng ilang Aklanon na pinapabayad rin ng mga nasabing fee.
Ayon kay Tirol, may mga tubong Aklanon anya na nagtratrabaho na sa ibang lugar na nagbabakasyon sa isla ang sinisingil parin ng mga fee dahil sa walang Aklanon identification card na maipakita.
Alinsunod sa umiiral na municipal ordinance, ang mga residente at turista ay magbabayad ng Php75 na environmental fee at Php100 na terminal fee. Exempted sa mga bayaring ito ang mga Aklanon.
Ang usapin ay sasailalim sa pagdinig ng committee on tourism.
Sinabi ng opisyal na nais niyang malaman kung paano ipinapapatupad ang nasabing ordenansa at kung may kailangan bang baguhin dito.
Samantala, napag-alaman na plano ngayon ng Sangguniang Bayan ng Malay na taasan ang environmental fee mula Php75 sa Php100. / EFMK
No comments:
Post a Comment