Tuesday, March 27, 2018

ITATAYONG MEGA CASINO SA BORACAY IIMBESTIGAHAN NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG AKLAN

Iimbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang kontrobersyal na $500 million mega casino resort na itatayo sa Isla ng Boracay.

Kasunod ito ng pahayag ni SP member Nemisio Neron na posibleng may kurapsyon sa pagbili ng lupa na pagtatayuan nito.

Layunin umano ng imbestigasyon na alamin kung sino ang nagbenta ng lupa at kung sino ang may-ari nito.

Nanindigan si Neron na ang sugal ay nakakapinsala sa moralidad ng indibidwal at ugnayang pamilya. Pwede rin umano itong maging sanhi ng katamaran at iba pang bisyo kagaya ng droga.

Aalamin rin kung ito ay dumaan sa public consultation. Giit ni SP member Soviet Dela Cruz, kailangang mayroong social acceptability rito.

Sinabi naman ni SP member Esel Flores, hindi na kailangan pa ng ganitong casino dahil masikip na umano ang Boracay sa dami ng turista.

Ipapasama rin ni Vice Governor Reynaldo Quimpo sa imbestigasyon ang umano'y umiiral na na mga casino sa isla.

Dahil rito pursigido ang Sanggunian na ipatawag ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCor), at ilan pang may kinalaman sa proyekto o sa likod nito.

Noong nakaraang linggo ay pinirmahan na ng PAGCor ang provisional permit ng Galaxy Entertainment na mag-ooperate ng Casino sa isla. Planong simulan ang pagtatayo nito sa 2019.

Inirefer ang usaping ito sa mga committee on laws, games and amusement at tourism.

Monday, March 26, 2018

LUCIO TAN NAG-ALOK NA MAGTATAYO NG IKALAWANG DRAINAGE SYSTEM SA BORACAY

Nag-alok ang business tycoon na si Lucio Tan na magtatayo ng ikalawang drainage system sa Boracay Island.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque nagpalada ng liham si Tan sa mga concerned agencies para banggitin ang kaniyang alok.

Ani Roque, may negosyo sa Boracay si Tan, nagsu-suplay umano ito ng tubig pero wala siyang sewerage system doon.

Dahil dito nagsabi umano si Tan na handa siyang magpagawa ng panibagong drainage system sa isla.
Ang ipapagawa aniyang drainage ay ikukunekta din sa wastewater treatment.

Kung matutuloy, lahat ng discharge na tubig, maging ang tubig ulan ay dadaan sa treatment at hindi na pupunta sa tubig ng isla.

Hiniling naman ni Environment Undersecretary Jonas Leones sa kampo ni Tan ang mas detalyadong impormasyon tungkol sa kaniyang panukala.

Maliban sa Boracay Island Water Company, Inc., ang kumpanya ni Tan ay nagsu-suplay din ng tubig sa isla./ Radyo INQUIRER

DALAWANG BUS NG DIMPLE STAR SA BAYAN NG NABAS NASUNOG

Dalawang bus ng Dimple Star ang nasunog sa parking area nito sa Brgy. Pinatuad, Nabas.

Naganap ang insidente dakong alas-10:00 ng umaga ayon sa report ng Bureau of Fire Protection - Ibajay.

Ayon kay FO1 Raymond Luce, imbestigador, hindi pa tukoy kung ano ang sanhi ng sunog.

Tumanggi rin itong magkomento kung sinadya ang sunog. Patuloy pa umano ang ginagawa nilang imbestigasyon.

Anya, wala pa umanong tumetisgo sa kung ano ang nangyari. Nabatid na malayo sa mga bahay ang nasabing lugar.

Maliban sa dalawang luma at hindi na umaandar na bus, nasunog rin ang mga nakatambak na goma dito. Tinatayang aabot sa Php400,000 ang pinsalang dulot ng sunog.

Nalagay ngayon sa kontrobersiya ang Dimple Star dahil sa pagkahulog ng isa sa mga bus nito sa Sablayan, Mindoro na kinasawi ng 19 at pagkasugat ng iba pa.

Si Nabas Sangguniang Bayan member Hilbert Napat ang may-ari ng bus company. Siya rin ang may-ari ng KJad vans na nag-ooperate sa probinsiya.