Friday, March 16, 2018

ILLEGAL STRUCTURES SA BORACAY PASASABUGIN NG PHILIPPINE MARINES

Hindi mag-aatubili si Pangulong Rodrigo Duterte na magpadala ng mga miyembro ng Philippine Marines at pasabugan ng dinamita ang mga ilegal na istruktura sa Boracay island.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tiyak na gagamitan ng puwersa ng pangulo ang isyu sa Boracay kapag patuloy na nagmatigas ang mga may-ari ng resort at hindi tatalima sa kung anuman ang magiging kautusan ng national government.

Mismong ang lokal na pamahalaan na aniya ng Aklan ang nagpasaklolo sa pangulo.

Dagdag pa ni Roque, “The last that I heard is that the local government may even ask the president for assistance to call in the marines if need be. So when I heard that report, I told them, send the letter because I’m sure the president will not hesitate to send in the Marines and even use dynamites to blow up that illegal structure there”.

Ayon sa kalihim, hindi mababago ang desisyon ng Department of Interior and Local Government at Department of Environment and Natural Resources na ipatupad ang environmental laws pati na ang pagdemolish sa illegal structure ng partikular na sa West Cove Resort. - Radyo Inquirer

Thursday, March 15, 2018

TOTAL CLOSURE NG BORACAY INIREKOMENDA NG DENR, DOT AT DILG

Nagpulong kanina ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural resources (DENR), Department of Tourism (DOT) at Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa planong paglilinis sa Boracay island.

Inirekomenda nina DENR Sec. Roy Cimatu, DOT Sec. Wanda Teo at Interior Sec. Eduardo Año ang complete closure ng nasabing tourists’ destination habang isinasailalim ito sa rehabilitasyon.

Ipinanukala ni Cimatu ang pagpapatupad ng one-year total clousure ng buong Boracay dahil kinakailangan umanong ayusin ang sewerage system ng buong isla.

Para kay Teo, kailangan umano ang anim na buwang pagsasara ng Boracay sa lahat ng mga turista.

Tinalakay rin sa pulong ng mga opisyal ang planong pag-aaral sa kundisyon ng mga tourists’ destinations sa Palawan, Mindoro provinces, Ilocos at Bohol para mapangalagaan ito sa pagkasira.

Sa Marso 26 ay magsusumite ang mga pinuno ng DENR, DOT at DILG ng kanilang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Una na ring inilarawan ng pangulo ang Boracay bilang “cesspool” dahil sa pagtatapon ng dumi direkta sa dagat ng ilang mga establishimento sa lugar. - Radyo Inquirer

DENR: LOCAL OFFICIALS SA BORACAY BIGONG IPATUPAD ANG SEWERAGE ORDINANCE

Nagpaalala ang Department of Environment and Natural Resources o DENR sa lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na mahigpit nilang ipinapatupad ang ordinansa na nag-aatas sa lahat ng mga residente at mga establisyimento sa Boracay Island na kumunekta sa isang sewerage system.

Ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu, taong 2012 pa ay mayroong Ordinance 307 ang Malay Local Government pero hindi naman ito naipatutupad.

Sa ilalim ng nasabing ordinansa, ang mga residente at establisyimento na may layong 61 meters mula sa sewerage pipes ay dapat nakakonekta sa sewerage treatment plants at septic tanks.

Ayon kay Cimatu, sa kabila ng umiiral na ordinansa, napabayaan ang Boracay dahil sa dumi na naitatapon sa nasabing tourist spot.

Lumilitaw na 195 sa 578 business customers ng Boracay Island Water Corp. ang hindi hindi nakakonekta sa sewerage infrastructure ng isla.

Habang limang porsiento lamang ng kabuuang 4,331 ng residential customers nito ang konektado sa sewerage infrastructure. - Radyo Inquirer