Monday, March 26, 2018

APRIL 26 CLOSURE NG BORACAY, HINDI PA APRUBADO NG PANGULO- ASEC. ALEGRE

Nilinaw ni Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre na rekomendasyon pa lamang ng kanilang hanay at ng Department of Interior and Local Government at Department of Environment and Natural Resources na ipasara ang Boracay ng anim na buwan para sa rehabilitasyon.

Ayon kay Alegre, maaring mabawasan pa ang anim na buwan depende sa bilis ng rehabilitasyon at paglilinis sa isla.

Bukod dito, hindi pa naaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng DILG, DENR at DOT.

Nakasalalay din aniya sa pakikipagtulungan ng mga residente sa isla ng Boracay ang magiging resulta ng rehabilitasyon.

Base sa rekomendasyon ng DILG, DENR at DOT, April 26 isasara ang isla ng Boracay para linisin ng anim na buwan./ Radyo INQUIRER

KAMBAL ARESTADO SA PAGTUTULAK NG ILIGAL NA DROGA SA BORACAY

Arestado ang kambal sa Isla ng Boracay sa Sitio Ambulong, Brgy. Manocmanoc kagabi sa pagtutulak ng droga.

Ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency ang buybust operation kontra sa dalawa.

Kinilala ang mga ito na sina Eric at Jerry Sual y Fernando, 26-anyos, tag-Toledo, Nabas.

Nakuha sa operasyon ang limang sachet na may laman ng pinaghihinalaang shabu.

Nakuha rin ang isang cellphone at Php3,500 buy bust money.

Posibleng maharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang dalawa.

22-ANYOS NA MOTORISTA PATAY NANG MABANGGAN NG PICK-UP SA IBAJAY

photo (c) Kram Zepol
Patay ang isang 22-anyos na motorista sa bayan ng Ibajay matapos siyang mabanggan ng pick-up.

Kinilala ang biktima na si Lloyd Sion, residente ng Brgy. Ondoy.

Ayon sa report ng pulisya, binabaybay ng biktima ang national highway nang mabundol ito ng kasalubong na pick-up.

Umovertake umano ang pick-up sa sasakyang nauna sa kanya. Menamaneho ito ni Gunder Arangote, 21, ng Brgy. Tagbaya.

Wasak ang motorsiklo sa lakas ng pagkakasalpok. Dinala pa sa ospital sa Ibajay ang biktima pero binawian rin ito ng buhay.

Nabatid na wala itong lisensiya.

Inaresto naman ng kapulisan ang driver ng pick-up at nakatakdang sampahan ng kaukupang kaso.

Naganap ang insidenteng ito gabi ng Sabado./ Darwin Tapayan, EFM Kalibo