Monday, October 31, 2016

Simbahang Katoliko sa Kalibo, nagpaalala sa kahalagahan ng Undas

NI DARWIN TAPAYAN AT JODEL RENTILLO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nagpaalala ang Diocese of Kalibo sa mga Aklanon ng kahalagahan ng pagdiriwang ng All Saints and All Souls Days.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Rev. Fr. Ulysses Dalida, sinabi niyang dapat ituon ng mananampalatayang Katoliko ang pagpapahalaga sa mga sagradong pagdiriwang na ito.

Anya, hindi itinuturo ng Simbahan ang pagdadala at paglalagay ng mga pagkain sa mga puntod. Sinabi niya na hindi totoong bumabalik ang mga kaluluwa. Ang mga kaluluwa anya na nasa purgataryo ay nangangailangan ng taimtim na dasal ng kanilang mga kapamilya na nabubuhay.

Hindi rin umano magandang paraan ng pagdiriwang ang pagsusuot ng mga Halloween costume bilang bahagi ng pagdiriwang. Humihikayat kasi umano ito ng masasamang espiritu kung saan inihalimbawa niya ang isang batang inilapit sa kanya makaraang sapian dahil lamang pinasuot ng ina ng nakakatakot na costume.

Naging lapitin lamang, ani Fr. Dalida, ang mga tao ng masasamang espiritu dahil sa kakulangan ng kanilang pananampalataya. Hinikayat niya ang lahat na magsimba at magdasal kasabay ng pagpapa-alala sa mga nagpapamisa na dumalo rin sa simbahan.

Ibinahagi niyang dapat gawing inpirasyon ng mga Katoliko ang mga naging magagandang karanasan ng mga santo. Gawin din anyang sagrado ang sementeryo at ipagdiwang ito sa pamamagitan ng pagdarasal sa mga yumao na. Wala naman anyang masama sa pagtitirik ng kandila dahil ito ay nagpapakita ng pagmamahal sa mga yumao sa buhay.

Samantala, nakatakdang umano silang magdaos ng misa sa mga sementeryo sa Martes at Miyerkules, at maging sa Kalibo Cathedral.

No comments:

Post a Comment