Saturday, July 28, 2018

BAGONG TOWN HALL NG LIBACAO NAKATAKDANG ITAYO

Ito ang inaasahang magiging itsura ng bagong munisipyo o municipal hall ng bayan ng Libacao.

Ito ay may pondong Php52 million mula sa Department of Finance sa ilalim ng Municipio Fund.

Inaprubahan na ng Sangguniang Bayan ng Libacao ang ordinansa kaugnay sa konstruksyon ng bagong gusali.

Isa ito sa mga priority project ni Mayor Charito Navarosa.

MGA PAARALAN SA AKLAN NAGDRIRIWANG NG NUTRITION MONTH NGAYONG BUWAN NG HULYO

Kaisa ang Department of Education sa Aklan sa pambansang pagdiriwang ng Nutrition Month ngayong buwan ng Hulyo.

Isa rito ang Caiyang Elementary School sa Brgy. Caiyang, Batan na nagdaos ng programa umaga ngayong Huwebes kaugnay sa selebrasyong ito sa pangunguna ng kanilang ulong-guro na si Lislie Esmeralda.

Ang paaralang ito ay mayroon lamang mahigit 120 mga mag-aaral mula kinder hanggang grade 6. Karaniwan sa kanila ay mula sa mga pamilyang salat rin sa pamumuhay.

Kasama sa programang ito ang feeding program sa mga kabataan. Mayroon namang patimpalak ang mga magulang sa pahusayan sa pagluto ng nutrisyusong pagkain.

Tuwang-tuwa rin ang mga mag-aaral nang maambunan sila ng mga school supplies mula sa Police Hotlnie Movement Inc. – Aklan sa pangunguna ng kanilang directress na si Ms. Rossini Sayman kasama ang Philippine Guardian Brotherhood Inc.

Sa kanyang mensahe bilang panauhing tagapagsalita, hinikayat ni Sayman ang mga magulang na magtanim ng mga gulay, prutas at maging ng mga medicinal plants. Pinaliwanag niya rin ag tema ngayong taon na “Ugaliing magtanim, Sapat na nutrisyon aanihin!”

Ganoon rin ang panawagan ni Punong Barangay Oscar Patron dagdag ang paghikayat sa mga bata na kumain ng mga gulay. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

LEADER NG MGA MENOR DE EDAD NA NANGHOLD-UP SA ISANG LOLO SA KALIBO SINAMPAHAN NA NG KASO

Sinampahan na ng kasong Roberry ang leader ng mga menor de edad na nanghold-up sa isang lolo sa Brgy. Estancia, Kalibo umaga ng Huwebes.

Ayon kay PO2 Erick De Lemos, imbestigador ng Kalibo PNP, si alyas Tonton na taga-Brgy. Tinigao, Kalibo ay nasa pangangalaga na ngayon ng Aklan Rehabilitation Center at may pyansang Php100,000.

Ang 16-anyos na si Tonton umano ay leader ng binansagang "City Mall Boys" dahil sa may mall na ito umano nagkikita ang kanilang grupo para magnakaw.

Dagdag ng imbestigador, delikado umano ang mga batang ito dahil may mga dalang kutsilyo.

Nitong mga nakalipas na araw ay ilang kaso ng pagnanakaw ang naitala sa Kalibo PNP station sa kabiserang bayang ito na nabatid gawa ng nasabing grupo.

Sinabi ni De Lemos na tuwang-tuwa umano si Tonton nang dalhin sa ARC dahil makikita umano niya ang kaibigan niya na una nang nakulong dito at libre rin umano ang kanyang pagkain doon.

Muli namang nanawagan ang imbestigador sa mga magulang ng mga menor de edad na kabilang sa grupo na bantayan at disiplinahin ang mga ito. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo