Showing posts with label Dr. Karen Magharing. Show all posts
Showing posts with label Dr. Karen Magharing. Show all posts

Friday, August 24, 2018

CHIEF OF HOSPITAL NAG-INHIBIT SA IMBESTIGASYON NG MAGPUSAO VS DR. MAGHARING CASE

NAG-INHIBIT SI Dr. Paul Macahilas, chief of Dr. Rafael S. Tumbokon Memoral Hospital, sa pag-iimbestiga ng reklamo ni Kasimanwang Joefel Magpusao kontra kay Dr. Karen Magharing.

Ito ang isinaad ni Macahilas sa kanyang sulat-tugon kay Magpusao sa pagfollow-up ng kanyang reklamo. Paliwanag ng chief of hospital, ang hakbang na ito ay para maiwasan umano ang biases.

Sa halip idinulog niya ang reklamo ng Energy FM Kalibo reporter na si Magpusao at ang sagot ni Dra. Magharing sa tanggapan ng gobernor sa pamamagitan ng provincial administrator para sa imbestigasyon.

Matatandaan na inireklamo ni Magpusao ang doktora nang pambabastos sa kanya sa loob ng hospital habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ng isang sanggol.

Ayon sa reporter dinuru-duro di umano siya ng doktora at pinatatawagan ng guwardiya - mga bagay na mariing pinabulaanan ng doktora sa inihain niyang affidavit.

Ang sulat-tugon ni Macahilas ay ipinadala rin sa Civil Service Commission kung saan una nang nagpadala ng kanyang reklamo si Magpusao.##

Friday, August 10, 2018

DR. MAGHARING PINABULAANAN ANG REKLAMO SA KANYA NI MAGPUSAO; MAGSASAMPA NG KASO SA PAGPAPARATANG SA KANYA

Naglabas na ng sinumpaang-salaysay si Dr. Karen Magharing kaugnay ng reklamo ni Kasimanwang Joefel Magpusao, reporter ng Energy FM Kalibo.

Matatandaan na una nang naibalita na inireklamo ni Magpusao si Dr. Magharing sa pamunuan ng Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital sa umano’y pambabastos sa kanya at sa reporter na si Romy Cahilig ng Brigada News FM Kalibo.

Mariing pinabulaanan ni Magharing na hindi umano niya binastos si Magpusao.

Sa affidavit ng doktora, isinalaysay nito na binati niya lamang si Magpusao ng, "Uy, dito na naman kayo. ‘Di ba ikaw si Magpusao? ‘Di ba taga-Ibajay ka rin? Magkababayan pala tayo.” Maayos at pangiti niya din umano itong sinabi sa reporter.

Hindi rin umano niya dinuru-duro si Magpusao kagaya ng reklamo ng reporter. Maayos umano niyang kinuwestiyon ang reporter kung bakit ito magsasagawa ng pag-interview ng walang pahintulot sa management ng ospital.

Sinabi pa niya na si Magpusao ang nagtaas ng boses sa kanya.

Anya, para sa kanya ay wala siyang ginawang mali kaya ganoon na lang ang kanyang pagkagulat ng maibalita sa ilang radio stations sa probinsya at maging sa mga social media ang reklamo ni Magpusao. Partikular niyang pinangalanan ang Energy FM Kalibo at ang Todo Radyo.

Magsasampa umano siya ng kaso sa mga sangkot sa pag-aakusa sa kanya ng walang katotohanan at sa pagsasapubliko ng mga paratang.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Tuesday, August 07, 2018

MGA REPORTER NA MAG-IINTERVIEW "BINASTOS" NG DOKTORA SA AKLAN PROVINCIAL HOSPITAL

Dinuru-duro ng isang OB-Gyn at binantaan pa na tawagan ng guwardiya sa loob ng provincial hospital.

Ito ang naranasan ng reporter ng Energy FM Kalibo at hospital beat reporter na si Joefel Magpusao.

Saksi rin sa parehong karanasan si Romy Cahilig, reporter ng Brigada News FM.

Ang dalawa ay mag-iinterview sana sa doktora na nagpaanak upang mag-imbestiga sa namatay na sanggol batay sa reklamo ng isang ina.

Habang nasa nurse station ay dinuru-duro umano sila ni Dr. Karen Magharing at pinatatawagan ng gwardiya.

Aminado si Magpusao na nagkaroon umano sila ng sagutan ng doktora kalaunan. Iginiit niya na maayos ang kanilang pagtungo roon.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ng reporter na si Cahilig na hindi niya nagustuhan ang pag-uugali ng doktora.

Matatandaan na una nang inireklamo sa himpilan ding ito si Magharing ng malpractice dahil sa pagkamatay ng isang baby.

Idinulog na ni Magpusao ang nangyaring "pambabastos" ni Magharing sa kanila bilang media sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas - Aklan Chapter.

Pormal rin umano niyang irereklamo sa pamunuan ng ospital ang nasabing doktor. | EFM Kalibo