Iminungkahi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na araw-arawin ang checkpoint sa buong probinsiya ng Aklan upang mabawasan ang mga aksidente sa kalsada.
Ito ang sinabi ni Galo Ibardolaza, PDRRM Officer, sa panayam ng Energy FM Kalibo. Ayon sa kanya, nakakabahala na umano ang halos araw-araw na mga aksidenteng ito sa probinsiya.
Kaugnay rito, plano ni Ibardolaza na ipaabot sa mga kinauukulan ang kanyang mungkahi kabilang na sa mga opisyal ng kapulisan sa Aklan.
Imunungkahi rin niya sa mga lokal na mambabatas kung maaaring gawan ng ordenansa ang paglilimita ng pagbebenta ng mga motorsiklo sa mayroon ng lisensiya sa pagmamaneho.
Karamihan umano sa mga aksidenteng ito na nirerespondehan ng PDRRMO at MDRRMO ay kinasasangkutan ng mga motorsiklo. Dahil umano ito sa mga reckless driver at karamihan ay nakainom.
Kapansin-pansin rin anya na marami sa mga naaaksidente sa mga motorsiklo ay walang proteksyon sa katawan kabilang na ang helmet na nauuwi sa pagkasawi ng iba.
Paalala niya sa mga motorista, maging maingat sa pagmamaneho, sumunod sa batas trapiko at iwasang magmaneho ng nakainom para iwas disgrasya.
No comments:
Post a Comment