Tuesday, November 29, 2016

16 NA-RESCUE NG MGA AWTORIDAD MULA SA ILLEGAL RECRUITMENT SA BANGA, AKLAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Masuwerteng nailigtas ng mga awtoridad ang 16 na mga kalalakihan mula sa illegal recruitment na magtratrabaho sana bilang mga “sakada” o taga-gapas ng tubo sa Passi, Iloilo kaninang umaga sa Venturanza, Banga.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo sa imbestigador na si PO2 Danilo Dalida Jr., dumulog umano sa himpilan ng Banga PNP ang kinatawan ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Aklan na si Carol Pastrana at ang lehitimong recruiter na si Roger Zaradolla Jr. para humingi ng tulong sa pulisya sa posibleng pagkaaresto ng iligal na recruiter at pagkaligtas naman sa mga na-recruit.

Agad namang nagsagawa ng operasyon ang mga kapulisan sa Brgy. Libas kung saan napag-alamang na nakasakay na ng bus kasama ang suspek. Naaresto ng mga kapulisan ang suspek na kinilalang si Richard Democrito, 39-anyos at residente ng Linabuan Sur, Banga. Nailigtas at napigilan naman ang 16 na mga biktima na mga residente ng New Washington, Banga, Kalibo, at Madalag. Narekober din ng mga awtoridad ang 19 na ticket sa bus patungong Iloilo.

Samantala, ipinahayag ni PO2 Dalida na may tinutugis pa ang mga kapulisan na iba pang responsable sa naturang iligal na pagre-recruit. Nabatid na walang mga kaukulang dokumento ang naturang suspek at ginagamit pa ang pangalan ng lehitimong recruiter.

Nabatid rin na may mga nauna ng mga biktima ng parehong suspek ang naipadala sa iba-ibang lugar upang mag-“sakada”.

Pansamantalang ipiniit ang suspek sa Banga PNP station at nahaharap sa kaukulang kaso.

No comments:

Post a Comment