Wednesday, November 09, 2016

4Ps members sa Aklan, bibigyan ng hanapbuhay

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Upang mabigyan ng disenteng trabaho ang mahigit apatnaraang Aklanon na miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay magsasagawa ng isang job fair ang ilang government organizations dito sa bayan ng Kalibo.

Ang “Hanabuhay Job Caravan” na magaganap sa a-diyes ng Nobyembre, araw ng Huwebes, ay isasagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 6 sa pamamagitan ng kanilang Sustainable Livelihood Program (SLP) sa tulong ng Provincial Government ng Aklan, Public Employment Service Office (PESO) Aklan, at Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang mahigit apatnaraang Aklanon na miyembro ng 4Ps na target na bigyan ng kabuhayan ng nasabing job fair ay sumailalim sa training sa mga Technical Vocational Schools na accredited ng Technical Educational and Skills Development Authority (TESDA).

Iba’t-ibang mga kumpanya at licensed recruitment agencies mula sa Manila, Iloilo, Boracay at maging dito sa Kalibo ang hinikayat ng PESO Aklan upang makapag-bigay ng trabaho sa mga interesadong aplikante.

Inaasahang darating sa Hanapbuhay Job Caravan si DSWD 6 Officer in Charge Regional Director Rebecca P. Geamala upang mag-bigay ng mensahe sa mga miyembro ng 4Ps.

Tatalakayin din sa mga aplikante sa nasabing job fair ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa Bureau of Internal Revenue (BIR), DOLE, Home Development Mutual Fund (Pag-ibig Fund), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), Philippine Statistics Authority (PSA), Social Security Services (SSS), at TESDA.

Ang Hanapbuhay Job Caravan na gaganapin sa ABL Sports Complex, Provincial Capitol, Kalibo ay magsisimula sa alas-otso ng umaga at magpapatuloy hanggang alas-singko ng hapon.

No comments:

Post a Comment