Thursday, October 25, 2018

KATRINA HALILI BISITA SA OPENING SALVO NG KALIBO ATI-ATIHAN FESTIVAL BUKAS

BUKAS NA ang opening salvo ng Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Festival – ang tinaguriang “The Mother of All Philippine Festival” – sa Pastrana Park.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Albert Meñez, chairman ng Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Foundation Inc. (Kasafi) bisita sa event ang sexy actress na si Katrina Halili.

Sinabi ni Meñez na umabot na sa 63 tribes, modern groups at Balik Ati ang kalahok sa event.

Magsisimula ang sadsad ng mga kalahok alas-3:00 ng hapon mula sa Magsaysay Park patungong Pastrana Park kung saan gaganapin ang programa.

Sa programa ipakikilala ang 16 finalists ng Mutya it Kalibo, mensahe mula sa mga opisyal ng bayan at ng probinsiya, at ang pormal na deklarasyon ng pagsisimula ng ilang buwang selebrasyon ng Ati-atihan.

Pagkatapos ay matutunghayan ang mga fireworks at confetti. Ayon kay Meñez pahihintulutang magsadsad lahat kasama ang mga kalahok hanggang alas-10:00 ng gabi.

Sa gabi ay mayroon din kasiyahan sa Magsaysay Park kasama ang mga DJs at iba-ibang banda.

Kasabay ng Ati-atihan Opening Salvo ang pagbubukas rin ng Isla ng Boracay. Paliwanag ng Kasafi chairman, itinuon nila ang opening salvo sa parehong araw para ipagdiwang ang pagbubukas ng Isla.

Una nang naibalita na “in place” na ang mga security preparations ng kapulisan para sa pagdiriwang.##

No comments:

Post a Comment