Wednesday, August 29, 2018

MGA ATM MACHINE NG HALOS LAHAT NG BANGKO SA KALIBO DINIKITAN NG GLUE ANG MGA KEYPAD

PATULOY ANG imbestigasyon ng mga kapulisan sa sunud-sunod na insidente ng sadyang pagdikit ng glue sa mga keypad ng halos lahat ng ATM machines sa Kalibo.

Kahapon lang, araw ng Martes, ang mga tauhan ng Philippine National Bank, China Bank, Land Bank, at Veterans Bank ay nagreklamo sa kapulisan matapos mabiktima ng ganitong insidente.

Ilan pang bangko gaya ng Asia United Bank, Eastwest Bank at PS Bank ang nauna nang nagreklamo sa Kalibo PNP sa parehong kaso.

Karaniwan sa keypad na nilalagyan ng glue ay ang zero. Ilan umano sa mga kliyente ng mga bangkong ito ay nagrereklamo dahil sa nahirapan silang makawithdraw ng pera.

Sa isang blotter report, isinaad ng tauhan ng bangko na batay sa kuha ng CCTV namataan umano ang isang babae na pinaniniwalaang responsable sa pagdikit ng glue.

Sa isa pang blotter report, isang kliyente ang nagreklamo na kinain ng machine ang kanyang ATM card at nang makuha ay nawalan na ito ng nasa Php7,000.

Ayon kay PSupt. Richard Mepania, hepe ng Kalibo PNP, inaalam pa nila ang motibo sa likod ng mga insidente. Pero ayon sa kanya, posibleng gamitin ito ng mga namamantala sa oras na hihingi ng tulong ang kliyente.

Nakikipag-ugnayan na umano sila sa mga tauhan ng bangko para sa imbestigasyon kabilang na ang pag-usisa sa kuha ng mga CCTV.

Sa ngayon, inatasan na niya ang mga kapulisan na magroving sa mga bangko lalu na pag gabi.

Panawagan niya sa mga nakikipag-transaksiyon gamit ang ATM machines na gawin ito sa office hour para kapag may problema ay makahingi ng tulong sa mga tauhan ng bangko.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment