Wednesday, August 29, 2018

MGA KLIYENTE NG MGA BANGKO SA AKLAN PINAG-IINGAT SA DIKIT-GLUE MODUS SA MGA ATM MACHINES

PINAG-IINGAT NGAYON ng bankers club sa Aklan ang kanilang mga kliyente na mag-ingat sa ilang modus kabilang na ang dikit-glue sa mga ATM machines.

Sa panayaman ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Dingo Saranden, Aklan Bankers Club president, may ilan na umanong nabiktima ng nasabing modus.

Nitong weekend, ilang bangko sa Kalibo ang dinikitan ng glue ang mga keypad. Ang mga kasong ito ay naireport narin sa Kalibo PNP.

Hindi na umano bago ang kasong ito dahil sa nakalipas na buwan ay may ganito nang insidente na nangyari sa isang bangko dito.

Aniya, paraan umano ito ng mga gustong magsamantala na kapag nahihirapan na ang kliyente sa transaksyon gamit ang ATM ay magkukunwari umano ang mga suspek na tutulong sa kliyente.

Panawagan niya na gawin ang transaksiyon ng Weekdays sa banking hour para makaiwas sa mga ganitong insidente.

Kung hindi umano maiiwasang magwithdraw sa Weekend o labas sa banking hours ay makabubuting magpatulong lamang sa mga kakilala.

Ang mga matatanda ay kailangan ding magpasama ng maaasahan. Kapag may mga problema sa transaksiyon o may kahina-hinala ay magreport agad sa kapulisan.

Sa ngayon aniya ay nakikipagtulungan na ang kapulisan at ang mga tauhan ng mga bangko para malutas at masugpo ang nasabing insidente.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment