ILANG PRINCIPAL sa Aklan ang umano'y nangangampanya kontra sa School-Based Immunization program ng gobyerno.
Ito ang malungkot na rebelasyon ni Dr. Cornelio Cuachon ng Provincial Health Office sa isang pulong balitaan araw ng Martes.
Sinabi ni Cuachon na ang programang ito ay partnership ng Department of Health, Department of Education, Department of Interior and Local Government at pamahalaang lokal ng probinsiya.
Ipauubaya na umano niya sa DepEd ang pagbibigay disiplina sa mga principal na ito.
Nagsimula ang immunization program na ito sa unang araw ng Agosto at inaasahang magtatapos sa huling araw ng Setyembre.
Ayon kay Cuachon mababa umano ang porsyento ng mga nagpapabakunang mga bata ngayon. May mga magulang rin umano na tumatanggi na mabakunahan ang mga bata.
Posibleng dulot anya ito ng isyu sa dengvaxia vaccine. Dagdag pa ang isyu ng pagkamatay kamakailan ng 12-anyos na bata sa Makato na paniwala ng pamilya ay dahil sa bakuna.
Sa kabila nito, nanindigan si Cuachon na base sa kanilang pag-aaral ang mga bakuna sa measles and rubella (MR) at Tetanus and Diphtheria (Td) ay ligtas.
Iginiit pa niya na ang pagpapabakuna ay mahalaga para sa kalusugan ng bata at sa pagsugpo ng pagkahawa ng sakit sa iba.##
- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment