Sunday, July 14, 2019

Basura sa Caticlan, Malay pwedeng ipamalit ng bigas


KALIBO, AKLAN - Hinihikayat ngayon ng mga opisyal ng Barangay Caticlan sa bayan ng Malay ang kanilang nasasakupan na ipalit ng bigas ang nakolekta nilang basura.

Sa inilabas na panuntunan ng Barangay, ang isang kilo ng mga ginupit na plastic sachets o isang kilo ng mga mapapakinabangan pang mga plastic bottle ay pwedeng ipalit ng isang kilong bigas sa barangay hall.

Pero paalala ng Barangay na ang offer na ito ay para lamang sa mga taga-Caticlan at ang isang household ay maaari lamang makakuha ng limang kilong bigas bawat buwan.

Dapat din na nakagupit sa maliliit na piraso ang mga basurang plastik kagaya ng mga sachet samantalang ang mga plastic bottle naman ay malinis at maaari pang gamitin o iresiklo.

Pwedeng tanggihan ng person in-charge sa "Plastic Barter Store" ang mga basura na malalaman na kinolekta sa labas ng Brgy. Caticlan. Habang padadalhin rin ng eco-bag ang mga magpapalit ng basura para lagyan ng bigas.

Nananawagan ang Sangguniang Barangay sa mga nais suportahan ang inisyatibong ito sa pamamagitan ng pag-donate ng bigas o "any goods" sa tanggapan ni Punong Barangay Ralf Tolosa.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment