Inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ang ordinansa na magre-regulate sa pag-aalaga at pagpapalahi ng mga barakong baboy sa probinsiya ng Aklan.
Itinatakda sa General Ordinance 2018-015 ang pagrerehistro ng mga barakong baboy sa Office of the Provincial Veterinarian.
Bago ito kailangan munang kumuha ng endorsement sa Barangay, mga sertipikasyon mula sa Municipal Agricultural Officer o Municipal Agriculturist at sa Municipal Agricultural and Fishery Council Chairperson, at ng Veterinary Health Certificate.
Ang mga rehistradong baboy ay lalagyan ng easy-to-read coded ear tags. Kailangan din umanong umayon sa pamantayan ng Department of Agriculture ang kulungan ng mga baboy at ang ginagamit na behikulo.
Ang mga lalabag sa ordinansa ay posibleng pagmultahin ng mula Php1,500 hanggang Php2,500. Pwede ring makansela ang rehistro sa OPVET.
Ang ordinansa ay ipapatupad simula Enero ng susunod na taon ng mga pamahalaang bayan at ng probinsiya.
Una nang sinabi ng may-akda na si SP member Soviet Dela Cruz na layunin ng ordinansa na mapaganda ang produksiyon ng karne sa probinsiya at para sa pagbuo ng tracking mechanism.
Base sa report ng Office of the Provincial Veterinarian malaking bahagi ng mga barakong baboy sa Aklan ay inaalagaan sa bakuran samantalang limang porsyento lamang ang nasa commercial.
Karamihan din umano sa nag-aalaga o operator ay nagpapalahi sa parehong barakong baboy sa kanya ring pamilya. Nagdudulot umano ito ng depekto o sakit sa mga isinisilang na baboy.##
- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment