Wednesday, September 12, 2018

MAG-LIVE-IN PARTNER ARESTADO SA PAGBEBENTA NG MGA PEKENG PERA SA BAYAN NG KALIBO

INARESTO NG kapulisan ang mag-live-in partner na ito sa bayan ng Kalibo umaga ng Miyerkules dahil sa pagbebenta ng mga pekeng pera.

Kinilala ang mga suspek na sina Jemar Elera y Magbanua, 32-anyos, tubong Negros Occidental at Eubel Marcon y Esposo, 40, tubong Iloilo at parehong mga residente ng Oyo Torong St., Kalibo.

Sa ikinasang buy bust operation, nabilhan ng dalawang pirasong pekeng Php1,000 bill ang lalaking suspek kapalit ng Php600 buy bust money.

Nasabat naman ng kapulisan sa bahay ng mga suspek ang 147 piraso ng parehong peso bill na pawang mga peke.

Ayon kay PO2 Erick John De Lemos, imbestigador ng Kalibo PNP, ikinasa nila ang operasyon laban sa dalawa makaraang makatanggap ng reklamo mula sa isang sibilyan kaugnay ng iligal nilang gawain.

Ipinasuri agad ng kapulisan ang mga nasabat na pekeng pera sa Bangko Sentral ng Pilipinas at napatunayang huwad ang mga ito.

Sa panayam sa lalaki sinabi niya na kanya ang mga pekeng pera. Kinukuha niya umano ito sa Cebu. Nasa tatlong linggo na umano siyang sangkot sa nasabing gawain.

Sinabi pa ng suspek na ilang pekeng pera na ang kaniyang naibenta. Kaugnay rito nanawagan naman si De Lemos sa taumbayan na kilatising maagi ang pera at kapag nalamang peke ay ireport agad sa kapulisan.

Nakakulong na ngayon ang dalawa sa Kalibo PNP Station at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment