PABOR SI New Washington Mayor Shimonnete Francisco sa planong pagtatayo ng tulay na magdurugtong sa kanilang bayan at bayan ng Batan.
Gayunman sinabi ng alkalde sa pagdinig sa Sangguniang Panlalawihan na dapat ay idaan muna ito sa pagdinig ng publiko upang alamin ang kanilang panig.
Giit niya marami ang mawawalan ng trabaho kapag naitayo na ang tulay kabilang rito ang mga kargador sa Dumaguit Port at mga ferry boat operators.
Dapat aniyang mailatag muna ang program of works, ang pangkabahuyang ipapalit sa mawawalan ng mga trabaho at kung anong uri ng tulay ang itatayo.
Matatandaan na una nang nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Batan na humihingi ng pondo sa Department of Public Works and Highway para sa naturang proyekto.
Ayon kay Batan SB member Erick Del Rosario, ang resolusyon ay inihain at inaprubahan kasunod umano ng hiling ni Batan Mayor Rodel Ramos.
Sa inisyal na pag-uusap umano ni Mayor Ramos sa mga opisyal ng DPWH ay ipinasusumite siya ng resolusyon para sa nasabing proyekto. Ang feasibility study ay isusunod umano nila.
Ang dalawang bayan ay ipinatawag sa Sangguniang Panlalawigan upang pakinggan ang kanilang mga panig. Una nang humingi ng endorsement ang SB Batan sa SP sa kanilang resolusyon.
Tinanggihan ng SP na bigyan ng endorsement ang SB Batan sa kanilang resolusyon dahil hindi pa handa ang kabilang bayan sa halip ay iminungkahi na idirekta nalang na ipadala sa tanggapan ng Kalihim ng DPWH.##
- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment