KINASUHAN ANG pitong pulis sa Banga Municipal Police Station makaraang nahuling natutulog sa isinagawang spot inspection ng National Police Commission.
Ito ang binanggit ni Romel Sta. Ana, Law Enforcement Evaluation Officer II ng Napolcom 6, sa panayam ng Energy FM Kalibo gabi ng Martes.
Ang spot inspeksyon aniya ay ginawa noong nakaraang buwan sa pangunguna mismo ni Napolcom 6 Regional Director Joseph Celis.
"Pagdating niya doon mga 10:30 ng gabi meron siyang nakitang pitong pulis na natutulog. Ginawan niya ng report yan pagkatapos may due process tayo nagfile tayo ng kaso sa kanila," pahayag ni Sta. Ana.
Sa kabila nito sinabi niya na on duty parin ngayon ang mga pulis na ito. Binigyan umano sila ng pagkakataong makapagpaliwanag sa kaso na isinampa laban sa kanila.
Samantala, sinabi pa ng opisyal na bukas ang tanggapan ng Napolcom sa mga nais magreklamo sa kapulisan.
"Kung may mga pulis na nag-abuso sa inyo ay maaari kayong tumungo sa tanggapan ng National Police Commission para makakuha ng kaukulang atensiyon at mabigyan ng solusyon ang mga problema ninyo." ##
- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment