Saturday, February 16, 2019

Suspek sa pagpatay sa alagang aso sa Numancia umamin, itinuro 2 kasama


UMAMIN SA mediation ng Barangay Council ng Tabangka, Numancia ang suspek na pumatay sa alagang aso ng kapitbahay at itinuro ang dalawa nitong kasama.

Batay sa mediation report, sinabi ng suspek na si Joemar Sorilla hinabol umano niya at pinalo ang dachshund gamit ang pinutol na kawayan na naging dahilan ng pagkamatay.

Dinala umano niya ito sa bahay ni Meejay Masallo kung saan sila nag-iinuman sa Brgy. Tabangka. Gayunman sinabi ni Sorilla na bago niya pinalo ang aso ay sinaksak na ito ng isa pa niyang kasama sa inuman na si certain Edison.

Pagkatapos umanong mapatay ang aso ay hindi na alam ni Sorilla ang sunod na nangyari dahil umalis ito para umuwi sa kanilang bahay sa Brgy. Cabayugan sa bayan ng Malinao.

Walang nangyaring pagkaayos sa pagitan ng suspek at nagrereklamo na si Desiderio Isturis ayon sa mediation ng barangay council nitong Miyerkules na pinangunahan ni Punong Barangay officer in charge Geneva Permison.

Ipapatawag pa sa susunod na mediation ang ang dalawa na itinuturo ni Sorilla na kasama niya sa pagpatay sa nasabing aso para hingin ang kanilang panig.

Samantala, napag-alaman na na-trauma ang mga bata sa bahay ni Isturis dahil sa pagkawala ng kanilang alagang aso noong Pebrero 8.

Nagbigay ng isang aso ang kanilang kapitbahay kapalit ng pinatay na aso para maibsan ang kalungkutan ng mga bata.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment